Claro M. Recto District Hospital Inauguration
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Meron pong kasabihan na kung ano pa ang maganda ay s’yang malayo, at kung ano pa ang kanais-nais ay s’yang mahirap abutin.
Ganyan po ang napakagandang bayan ng Infanta.
Siguro iniluklok ito dito upang pawiin ang pagod ng sinumang dumayo para lamang sa kaaya-aya niyang tanawin.
Sa reklamong malayo ang Infanta, ito ang sagot ko: Malayo man sa Maynila, malapit naman sa paraiso.
Mula sa himpapawid, tanaw ang kagandahan ng inyong bayan.
Love at first sight po mula sa kabundukan.
Kaya nga yung piloto ng tutubing aking sinakyan, kumakanta pa habang bumabaybay parine dito.
Birit nya:
‘Malayo man malapit din
Pilit ko ring mararating
Huwag lamang masabi mong
Di kita ginigiliw’
Hindi po ako ang unang Rectong nakapunta dito. Madalas po pumunta rito ang aking lolo, ang tubong-Tiaong, at taal na taga-Tayabas na si Claro Recto.
Nakakasiguro nga ako na ang lolo ko at ang lolo ni Mayor Potes na si Florencio Potes, na namuno noong 1920s ay nagkadaupang palad.
Kaya ng binulungan ako ng isa sa mga sumalubong sa akin kanina na, ‘Salamat sa pagbisita sa Quezon,’ sinagot ko sya na, “Hindi ako bisita dito. Ako’y taga-rito.”
Quezon ang lupa ng aking mga ninuno. Kaya kailanman ay hindi mapapatid ang koneksyon ko dito. Ito na rin ang aral na itinuturo ko sa aking anak na si Ryan: na ang pusod ng Recto ay nakabaon sa lalawigang ito.
Nagtitipon tayo ngayon sa isang napakahalagang araw sa ating kasaysayan: ang Araw ng ating Kasarinlan.
Malaki ang naging papel ng Infanta sa digmaan ng 1898. Kung di ako nagkakamali sakop pa sya ng Laguna noon.
At kung tititigan natin ang ating bandila, bahagi ang Infanta sa mga silahis ng araw nito na kumakatawan sa mga lalawigang nag-aklas laban sa mga Kastila noon.
Kaya kapag sinasaluduhan natin ang ating watawat, sinasaluduhan na rin natin ang mga bayang sumama sa himagsikan, kasama na ang Infanta.
While many towns have developed amnesia about their history, I am happy to have learned that Infanta has not forgotten about its glorious past.
I was told that there is a street here named Beinte de Julio.
Ito yata yung araw na nag-alsa-balutan ang mga sundalong Kastila noong 1898.
Kung sino man dito ang apo sa sakong ni Colonel Pablo Astilla at Vicente Malolos, na lider ng pangkat ng mga Katipunerong nagpalayas sa mananakop, ako po ay nagpupugay sa kabayanihan ng inyong mga ninuno.
Ngunit hindi lang sa gyera nagpamalas ang mga taga-Infanta ng tapang, tatag at tibay.
Noong panahon ng Amerikano, binisita ito ng cholera, hinagupit ng sangkaterbang bagyo, nilunod ng baha, na sa tindi pati si Pangulong Quezon ay napasugod dito ng ilang beses.
Pero di nabura ang Infanta.
Noong panahon ng Hapon, sumailalim ito sa kalupitan, kung saan pati ang alkalde noon ay pinaslang.
Pero di gumuho ang Infanta.
Noong 2004, kinulata kayo ng bagyo na nagpakawala ng bundok ng putik.
Pero di nalibing ang Infanta.
Bakit kaya di nagpapalupig ang Infanta? Kapag natutumba, bumabangon. Kapag sinukluban ng trahedya, lumalaban pa rin.
Ang sagot siguro ay nasa tema ng araw na ito. Kung araw ngayon ng mga bayani, ito naman ang lugar ng mga bayani. Hindi lang isa o dalawa kundi marami. Kapag maraming bayani, ano ang resulta? Bayanihan.
At sino ang nakikinabang sa bayanihan ng mga bayani? Ang bayan.
Bayan. Bayani. Bayanihan. Yan ang sikreto ng Infantang lumalaban.
Katulad na lamang ng ospital na ating pinapasinayahan sa araw na ito.
Ito ay produkto ng bayanihan – ng lokal, panlalawigan at pambansang mga pamahalaan.
Ako’y nagagalak na ito ay ipinangalan sa aking lolo.
Sa panahon na ang attention span ng tao ay kasing ikli lamang ng pag-post sa Facebook at ang cellphone na patok ngayon ay laos na sa isang taon, nakakabilib isipin na isang daan at dalawampu’t limang taon mula ng kanyang kapanganakan, at limampu’t limang taon mula ng kanyang kamatayan ay buhay pa rin ang alaala ni Don Claro.
Ang inyong pag-alala, susuklian ko po ito ng aking suporta.
I am adopting this hospital. Kung kailangan po ninyo ng periodic fund transfusion because we all know that budget is the lifeblood of a health institution, I am here to help.
Ito na siguro ang pinaka-makabuluhang Independence Day na aking nadaluhan. Yung pagpupugay hindi lang sa salita, pero sa gawa.
At wala na sigurong mas aangkop na pagdiriwang kundi ang pagbubukas ng isang pasilidad pangkalusugan.
Kasi aanhin mo ang kalayaan, kung walang kalusugan.
Ang mamamayang walang ospital na mapupuntahan ay hindi maaring maturing na malaya.
We have much work to do on this.
12 Filipinos die every hour from heart disease, 5 from pneumonia, 2 from diabetes, and 3 from TB.
Sa diarrhea, 27 get sick every 60 minutes, while 59 are rushed to ERs for hypertension. Sa dengue, isa bawat labindalawang minuto ang tinatamaan nito.
The national government health sector spending for this year is P2.36 per person per day.
Noong 2012, kapag pinagsama ang ginugol ng LGUs, GOCCs at national government, nasa P3.44 per person per day.
Kaya tuloy sa bawat piso na ginagasta ng isang Pilipino para sa kalusugan, about 19 centavos come from the government, 11 centavos from social insurance and the biggest, about 57 centavos, is from out-of-pocket.
Ang solusyon po dito is to bring more health resources to the frontlines.
Which is what Governor Suarez and his team are doing. Tama po ang kanyang resetang pangkalusugan.
Sa ika-isang daan at labimpitong araw ng ating kalayaan, marahil ang tanong natin sa ating mga sarili ay kung paano bang maging bayani sa panahong ito.
May pinakamataas na uri ng kabayanihan, ang pag-alay ng buhay para sa bayan, tulad ng ipinamalas ng apatnapu’t apat na magigiting na pulis sa Mamasapano.
Pero hindi lahat ng kabayanihan ay nangangailangan ng pagdanak ng dugo. Ang kabayanihan ay hindi lamang naipapamalas sa gyera.
May mga kabayanihan na hindi nangangailangan ng armas.
Bagama’t may panahon na kakailanganin iyon, hindi mo kailangang pumatay o mapatay para maturing na bayani.
Sa panahon ng kapayapaan, pa’no nga ba maging bayani, kung walang barikadang lulusubin, kaaway na lilipulin, digmaang kailangan mapagtagumpayan?
Sa panahong ito, kabayanihan ang pag-aruga ng ating kalikasan, ang pagtanim ng puno, paglinis ng ating karagatan, at paglikom ng basura.
Kabayanihan ding maituturing ang pagpapayabong ng ating mga paaralan, ang pagpapahusay sa ating edukasyon. Magpaaral ka ng mahirap, magpakain ka ng gutom na estudyante—sa libro ko, bayani ka rin.
Kabayanihan din ang pagsuplong sa anumang katiwalian sa pamahalaan. Kung sumilbato ka kasi may pandarambong sa kaban ng bayan kang nalalaman, ika’y dapat bigyan ng medalya ng kagitingan.
Kabayanihan ang pag-alay ng libreng oras at talino, sa mga gawaing magpapaunlad ng kabayanan, sa NGO man o grupong simbahan.
Kabayanihan ang pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad, ang pagkupkop sa mga biktima ng sakuna, ang pagtulong sa mga sawingpalad.
Ang kagandahan sa ganitong uri ng kabayanihan ay araw-araw mo itong pwedeng ipamalas.
Hindi mo kailangang maghintay ng digmaan o himagsikan upang gumawa ng mabuti sa kapwa tao.
Pero merong mga suliranin na dapat solusyunan, mga sugat ng lipunan na dapat gamutin, na nangangailangan ng inyong tulong.
Ang kailangan po natin ngayon ay pang-araw-araw na kabayanihan ng mga ordinaryong tao na sabay-sabay na gagawa ng kabutihan para sa bayan.
Katulad ng ipinapamalas ng dakilang bayang ito.
Maraming salamat po. At itaga nyo sa bato: Babalik ako.