Recto: 600,000 plaka ng kotse, ibigay na sa motorista
Nakatengga lang sa Customs
Kung matagal ka nang bayad para sa bagong plaka ng Land Transportation Office (LTO), may pag-asa pang makuha mo na ang plaka kahit na nakatengga pa sa korte ang nasabing isyu.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, tanging ang go-signal na lamang ng Department of Finance (DOF) ang kailangan para maipamahagi na sa mga motorista ang 600,000 plaka na nakumpiska kamakailan ng Bureau of Customs (BOC).
“Nakatengga lang sa Customs ang 600,000 plaka ng sasakyan. Sa oras na pumayag ang DOF, anumang oras ay puwedeng ibigay sa LTO ang mga plaka para maipamahagi sa mga motoristang galit na sa tagal ng paghihintay,” ani Recto.
“Kailangan din siguro ng kaunting tapik mula sa Office of the President para umaksyon agad ang DOF. Tutal, marami pa ring sasakyan sa motorpool ng Palasyo ang naghihintay din ng mga bagong plaka at sticker mula sa LTO,” dagdag ng senador.
Para mapabilis ang nasabing proseso, naghain ngayon si Recto ng Resolusyon Blg. 1741 sa Senado upang hilingin sa DOF na payagan ang donasyon ng plaka mula sa Customs tungo sa LTO.
“Alam ko na malabo nang maaksyunan ng Senado ang resolusyon pero inihain ko pa rin para lamang mailagay officially on record na suportado ng lehislatura ang planong donasyon,” paliwanag ni Recto.
“Matagal nang bayad ng mga motorista ang mga plaka para sa sasakyan nila. Dapat lamang na maibigay na sa kanila ang mga plaka sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ng senador.
Pormal ding sumulat si Recto kay Customs Commissioner Alberto Lina para ipahayag ang kanyang buong suporta sa plano ng BOC na ibigay na lamang bilang donasyon sa LTO ang 600,000 abandonadong plaka.
Naantala ang pamamahagi ng LTO ng mga plaka matapos isyuhan ng Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance ang P3.85-bilyong kontrata sa suplay ng mga plaka noong Hulyo, 13, 2015, dahil sa paglabag sa Government Procurement Reform Act.
Makailang-ulit nang umapela ang LTO sa COA pero hindi pumayag ang huli na bawiin ang desisyon kaya umabot na sa korte ang nasabing isyu.
Nito lamang nakaraang Marso, iniulat naman ng Customs na nakakumpiska sila ng 11 container vans na naglalaman ng 600,000 plaka.
Idineklara ng Customs na abandonado ang nasabing mga plaka dahil hindi nabayaran ng importer na JKG-PPI ang P40-milyong buwis sa takdang panahon.
Umapela ang importer pero dinismis ito ng Customs kaya hanggang sa kasalukuyan ay nakatengga pa rin sa Port of Manila ang 600,000 plaka ng sasakyan.
Nagtataka si Recto kung bakit hinahayaang nakatengga ang mga plaka gayung umabot na sa tatlong milyon ang backlog sa plaka ng LTO hanggang Enero pa lamang nitong taon.
Ayon kay Recto, may kapangyarihan ang Customs na ipamahagi ang mga abandonadong kargamento batay sa isinasaad ng Republic Act 1937 o Tariff and Customs Code of the Philippines.
Sinabi pa ni Recto na payag naman ang Customs na gawing donasyon na lamang ng ahensya sa LTO ang 600,000 abandonadong plaka.
“Nasa Finance Secretary na ngayon ang bola. Ibigay lamang niya ang pagpayag sa donasyon, malilipat na ang mga plaka mula sa Customs pupunta sa LTO,” ani Recto.