Recto: National crisis, posible dahil sa tagtuyot
Kung hindi ilalabas ang El Niño funds
Hindi nalalayong maharap sa pambansang krisis ang Pilipinas dahil sa tagtuyot kung hindi agarang ilalabas ng pamahalaan ang P3.9-bilyong Calamity Fund at P6.7-bilyong Quick Response Fund (QRF) para makaabot sa mga probinsyang apektado ng El Niño.
Ito ang babalang ipinaabot ngayon sa Malakanyang ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto matapos inanunsyo ng PAGASA na may 30 probinsya ang nahaharap sa grabeng tagtuyot na dala ng El Niño ngayong Abril.
“Ngayon, hindi bukas, ang tamang panahon para ilabas ang pondong inilaan ng Kongreso bilang paghahanda sa El Niño. Huwag na nating hintayin ang mga probinsya na mag-deklara ng state of calamity bago ilabas ang pondo, at huwag na nating hintayin na dumami pa ang insidente tulad ng nangyari sa Kidapawan,” ani Recto.
“Posibleng maharap sa pambansang krisis ang bansa kung lalawak pa ang bilang ng mga probinsya na daranas ng state of calamity. Aanhin pa ang pondo kung nandyan na ang kalamidad? Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo,” dagdag pa ng senador.
Nito lamang Abril 11, nagdeklara ang buong probinsya ng Cebu ng state of calamity dahil sa tagtuyot. Noon namang Abril 7, napailalim din sa state of calamity ang Bohol.
Ayon kay Recto, mismong ang PAGASA na ang nagbabala na mahigit 30 probinsya sa bansa ang posibleng makaranas ng grabeng tagtuyot ngayong Abril dahil sa El Niño.
Tinataya ng PAGASA na mahigit 30 porsyento ng mga lugar sa buong bansa ang makakaranas ng tagtuyot dahil sa kawalan ng ulan sa tatlong buwang sunod-sunod.
Kabilang sa mga probinsya na daranas ng grabeng tagtuyot ang mga sumusunod:
- (Luzon) : Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Occidental Mindoro, and Palawan;
- (Visayas) : Negros Oriental, Bohol, and Siquijor;
- (Mindanao) : Zamboanga Del Norte, Zamboanga Del Sur, Zamboanga Sibugay, Bukidnon, Camiguin, Lanao Del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Compostela Valley, Davao Del Norte, Davao Del Sur, South Cotabato, North Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Agusan Del Sur, Agusan Del Norte, Surigao Del Norte, Basilan, Maguindanao, Lanao Del Sur, and Tawi-Tawi.
“Ngayon pa lamang ay alam na ng PAGASA kung saan makakaranas ng grabeng tagtuyot. Ang mga probinsyang ito ang dapat unahin sa pagpapadala ng pondo para sa El Niño,” ani Recto.
Ngayong taon, anang senador, may P39 bilyon ang inilaan ng Kongreso bilang National Disaster Risk Reduction and Management Fund o Calamity Fund sa pambansang badyet.
Maaari aniyang gamitin ang pondo para sa “aid, relief, and rehabilitation services” sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad. Puwede rin itong gamitin para sa mga “pre-disaster projects and operations”.
Maliban sa Calamity Fund, mayroon ding P6.7-bilyong QRF na naipamahagi sa 12 ahensya. Kabilang dito ang P1.32 bilyon para sa DWSD, at tig-P500 milyon sa Department of Agriculture (DA) at the National Irrigation Administration (NIA).
Nakatanggap din ng QRF ang DepEd (P1 bilyon); DOH (P510 milyon); DPWH (P1.3 bilyon); DOTC, kasama ang Philippine Coast Guard (P200 milyon); PNP (P75 milyon); BFP (P75 milyon); DND (P200 milyon); at Office of Civil Defense (P530 milyon).
“Kaya nga tinawag na quick response, dapat quick release din ang pondo. Dito hindi na masalimuot ang pag-gasta. Kaya kung may QRF ang isang ahensya, walang rason na dapat maantala ang tulong,” diin pa ni Recto.