Recto: Dagdag-pulis para iwas-rape
Dahil isang bata o babae ang nagagahasa ngayon bawat 50 minuto, dapat nang itaas sa pambansang prayoridad ang laban kontra karahasan sa kababaihan sinuman ang manalong Pangulo sa eleksyon ngayong Mayo.
Para manalo sa labang ito, sinabi ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na kailangang kumilos agad ang susunod na Pangulo at punuan ang 23,820 bakanteng posisyon sa Philippine National Police (PNP).
“Kung mapupunuan ang mga bakanteng posisyon na ito, madadagdagan ng 12 bagong pulis kada munisipyo at 41 pulis naman kada siyudad sa buong bansa,” ani Recto.
“Bawat pulis na maidadagdag natin para magpatrulya sa mga komunidad ay nangangahulugan ng kabawasan sa mga kaso ng panggagahasa at iba pang krimen laban sa kababaihan,” dagdag pa ng senador.
Sinabi ni Recto na bagama’t napondohan ng Kongreso ang plantilla para sa 174,410 posisyon sa PNP, tanging 150,590 lamang ang napupunuan dito hanggang sa ngayon.
“Malaking bagay ang dagdag na pulis,” ani Recto. “Lahat ng bayan at siyudad sa Pilipinas nagrereklamo na kulang sila sa pulis.”
Batay sa pagtaya ng Commission on Population, aabot sa 104 milyon ang kabuuang bilang ng mga Pilipino ngayon taon.
Ibig sabihin, ani Recto, may isang pulis lamang na nakaantabay para tiyakin ang seguridad ng 690 katao.
“Ang nakakabahala, ang nasabing bilang na ito ng pulis ay nasa papel lamang. Hindi naman lahat ng ito ay naka-duty nang sabay-sabay,” paliwanag ng senador.
“May shifts yan, ang iba naka-leave, o schooling, o suspendido, o nakaduty lang sa headquarters. So ang aktwal na bilang ng pulis na naka-duty sa kalye sa partikular na panahon ay talagang napakaliit,” dagdag pa niya.
Ayon kay Recto, ang nakakabahalang estadistika sa kaso ng panggagahasa ay sapat na para magdagdag ng bilang ng pulis at bumili ng mas maraming kagamitan kontra krimen.
“Noong isang taon lamang, umabot sa 10,298 ang kaso ng panggagahasa na inireklamo sa pulisya at iba pang ahensyang tagapagpatupad ng batas. Mas mataas ito kumpara sa 9,887 kaso noong taong 2014,” ani Recto.
Maaaring mas mataas pa, aniya, ang bilang ng nasabing krimen kung isasama ang mga kaso ng panggagahasa na hindi na inirereklamo sa pulisya.
Maliban sa mga kaso ng panggagahasa, mas nakakabagabag din umano ang lumalalang sitwasyon kaugnay sa problema ng karahasan laban sa kababaihan at mga bata o Violence Against Women and Children (VAWC).
Noong 2014, iniulat ng PNP na may 40,220 insidente kaugnay sa Violence Against Women (VAW) at 38,269 kaso naman ng pang-aabuso sa mga bata.
“Iisa lamang ang ibig sabihin nito. Tuwing anim na minuto, isang bata o babae ang sinasaktan sa bansa natin ngayon,” diin pa ng senador na tumatakbo bilang common candidate ng Liberal Party, Partido Galing at Puso, at Santiago-Marcos ticket.
Ayon kay Recto, ang nasabing bilang ng kaso ay halos katumbas ng mga napaulat na krimen kontra sa ari-arian.
“May 128,389 kaso ng robbery, theft, carnapping at cattle-rustling noong isang taon, ani Recto.
Nakakabahala rin ang mga kaso ng pagpatay dahil mismong ang PNP ay nakapagtala ng 9,643 kaso ng murder at 2,835 insidente ng homicide noong isang taon.
“May namamatay na Pilipino dahil sa krimen bawat 42 minuto. Ibig sabihin, 34 ang patay dahil sa krimen kada araw, Yung nakawan naman, 352 kaso kada araw,” ani Recto.
“Hindi pa naman huli ang lahat. Dagdagan natin ang bilang ng pulis na nagpapatrulya sa kalye. Siguruhin din natin na may Women’s and Children’s Desk sa bawat presinto ng pulis,” dagdag pa niya.
Iminungkahi rin rin Recto na isama sa sistema ng pag-ulat sa krimen ang mga kaso laban sa LGBT dahil hindi ito nabibigyan ng tamang pansin sa pagkolekta ng mga estadistika.
“Kung malalaman natin ang saklaw at epekto ng ‘hate crimes’ sa ating lipunan, mas maa-armasan tayo ng kakayahan para bigyan ng proteksyon ang mga nangangailangan nito,” paliwanag pa niya.