Recto: Tanim-bala di titigil kung walang ‘sampol’
Hindi matitigil ang mga insidente ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hangga’t walang naipapapakulong sa mga taong responsable sa pambibiktima ng mga biyahero.
Ito ang idiniin ngayon ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto matapos makatanggap ng ulat na wala pang kawani ng NAIA ang naipapakulong hanggang ngayon dahil sa pagtatanim ng bala sa mga umaalis na pasahero.
“Kung walang masasampolan ang gobyerno, pabalik-balik lamang ang problemang ito ng tanim-bala. Kung gusto nating matigil ito, kailangang maipakulong ang mga taong nambibiktima sa ating mga biyahero,” ani Recto.
Makakatulong, aniya, kung makapagtayo pa ang Malakanyang ng detachment ng Presidential Action Center (PACE) sa NAIA para may malapitan ang mga Overseas Workers at biyahero na nagiging biktima ng tanim-bala.
“Kung mayroon mang dapat itanim sa NAIA ngayon, ‘yan marahil ang isang detachment ng pinakamataas na opisina ng bansa na siyang tatanggap ng puna at papuri mula sa mga pasahero,” anang senador.
Ayon kay Recto, may sapat nang mga batas para maipakulong ang mga empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang nagtatanim ng ebidensya sa mga taong nahuhuli ng mga awtoridad.
Partikular dito, aniya, ang Republic Act 9516 na nagpapataw ng parusang habambuhay na pagka-bilanggo sa sinumang mapapatunayan na responsable sa pagtatanim ng bala bilang ebidensya.
Isinulong ni Recto ang pag-iimbistiga sa Senado ng mga kaso ng tanim-bala noong huling bahagi ng taong 2015 matapos maalarma ang mga biyahero sa dumaraming kaso ng pagtatanim ng ebidensya sa NAIA.
Dahil sa nasabing imbestigasyon ng Senado, nakialam na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) para kilalanin kung sino ang mga tao o grupong nasa likod ng tanim-bala sa mga paliparan.
Pansamantalang natigil ang mga insidente ng tanim-bala pero nagbalik ito noong Martes nang mahulihan umano ng bala sa NAIA ang isang 75-taong-gulang na babaeng pupunta sana sa Estados Unidos.
Ayon kay Chief Supt. Pablo Francisco Balagtas, direktor ng Aviation Security Group (AVSECOM), iniimbistigahan na ng mga pulis na naka-base sa NAIA kung biktima nga ng tanim-bala ang pasaherong si Salvacion Cortabista ng Antipolo City.
“Yung mga pulis, gumamit na rin sana ng common sense. Isang 75-anyos na lola pupunta sa Amerika para bisitahin ang anak na may sakit, eh di dapat diyan seize and release,” ani Recto.
“Kunin na lang ang bala o basyo. Tapos payagan nang makalipad ang pasahero,” dagdag pa ng senador.
Ayon naman kay Chief Supt. Balagtas, kasama sa imbestigasyon ng pulisya ang paghahanap sa taong nagtangkang mangikil umano ng P50,000 mula kay Cortabista.
“Huwag sanang mag-urong-sulong ang mga awtoridad sa mga kaso ng tanim-bala. Kung inosente ang pasahero, tiyak guilty sa tanim-bala ang nanghuli,” ani Recto.
“Dapat usigin ang sinumang responsable sa tanim-bala at huwag tumigil ang awtoridad hangga’t hindi nakikitang nakakulong ang mga taong ito. Magsisilbing-aral ito at babala sa mga nag-iisip na mambiktima ng ating mga biyahero,” dagdag pa ng senador.