Recto: Pagdurog sa Abu Sayyaf, ‘Artikulo Uno’ ng bagong pangulo
Kung may unang kautusan na dapat ipalabas ang susunod na Pangulo, ito ay ang pagdurog sa bandidong grupong Abu Sayyaf.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, kailangang ilagay ang Abu Sayyaf sa unahan ng listahan ng mga kriminal na dapat sugpuin sinuman ang manalong Pangulo sa eleksyon ngayong Mayo.
“Wala nang oras para magpahinga ang susunod na Pangulo. Sa unang araw pa lamang ng pag-upo niya sa Malakanyang, kailangan nang ipalabas ang kanyang mga kautusan laban sa kriminalidad,” ani Recto.
“At kung may Artikulo Uno sa mga kautusan ng susunod na Pangulo, ito ay ang pagsugpo sa problemang dala ng Abu Sayyaf,” diin pa ng senador.
Ipinalabas ni Recto ang pahayag bilang reaksyon sa balita na pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf ang bihag nitong Canadian na si John Ridsdel kahapon matapos hindi matugunan ang hininging ransom ng mga bandido.
Sinabi ni Recto na walang saysay ang anumang kampanya ng bagong administrasyon kontra sa krimen kung hindi matitigil ang pagdukot at pagpatay ng Abu Sayyaf sa Mindanao.
“Hindi na n’ya kailangang maghanap pa ng sindikatong sasampolan. Matagal nang nagpiprisinta ang mga Abu Sadong ito,” ani Recto.
Sinabi ng senador na laganap na maging sa ibang bansa ang kilabot na hatid ng Abu Sayaff at panahon na para tapusin ang karahasang dala nila sa iba’t-ibang panig ng Mindanao.
“Hindi lamang ito problema ng Mindanao o ng Pilipinas. Problema na rin ito ng buong rehiyon natin sa Asya at maging ng ilang bansa na nahaharap sa banta ng terorismo,” paliwanag pa ni Recto.
“Kilala ang Abu Sayyaf sa pagiging brutal na mga kriminal. Walang puwang ang ganitong karahasan sa ating bansa,” dagdag pa ng senador.
Sinabi ni Recto na hindi lamang buhay ng mga Pilipino at turista ang kinikitil ng Abu Sayyaf kundi maging ang ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng ordinaryong mamamayan.
“Takot na ang mga turista na pumunta sa Mindanao. Takot na rin ang mga magsasaka ng Mindanao na gawing produktibo ang kanilang bukirin. Mahihirapan na rin tayong kumbinsihin ang mga negosyante na mamuhunan sa Mindanao,” ani Recto.
“Ang Abu Sayyaf, wala nang iba, ang pangunahing sakit sa ulo ng susunod na Pangulo,” dagdag pa ni Recto.