Recto: Mindanao blackouts, banta sa eleksyon
No Electricity, No Election.
Ito, ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, ang nakakatakot na pangyayari na dapat aksyunan agad ng pamahalaan kung nais nitong masiguro ang mapayapa at tapat na eleksyon sa susunod na buwan.
Ayon kay Recto, marami ang nangangamba na aabot hanggang sa eleksyon nitong Mayo ang malawakang blackout na nagaganap ngayon sa ilang bahagi ng Mindanao.
“No-el dahil sa no-el. O no election dahil no electricity. Ito ang malaking problema na siguradong magpapataas ng temperaturang politikal sa Mindanao,” ani Recto.
“Tiyak na malaki ang epekto nito sa pang-kabuuang resulta ng halalan dahil may 12.5 milyong botante ang nakarehistro sa Mindanao,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Recto na ang malaking bilang ng botante ay sapat para maapektuhan kung sino ang mananalo o matatalong kandidato sa pagka-Pangulo.
“Dikit ang laban ngayon sa pagpili ng susunod na Pangulo. Malaki ang epekto sa botohan kahit isang malaking rehiyon lamang o kahit malaking siyudad ang hindi makaboto,” paliwanag ni Recto.
“Isipin na lang natin ang galit ng mga taga-Mindanao kung hindi nila maiboboto ang kandidato nila sa Mayo 9,” dagdag pa ng senador.
Sa 54,363,844 na rehistradong botante sa buong bansa, may 12,457,285 ang nakatira sa Mindanao.
“Halos isa sa apat na botante ay nasa Mindanao. Doble ang bilang ng botante rito kumpara sa Metro Manila. Kung sa Maynila o Quezon City nangyayari ang blackouts, sobrang laking isyu na ito,” ani Recto.
Ngayon pa lamang, ani Recto, dapat nang kumilos ang dalawang Task Forces na binuo ng Malakanyang para masiguro na sapat ang suplay ng kuryente hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa lahat ng parte ng bansa.
Kamakailan lamang, inanunsyo ni Energy Secretary Zenaida Monsada na ilang ahensya ng pamahalaan ang naatasan ng Pangulong Aquino para buuin ang Power Task Force Election (PTFE) at sa Inter-Agency Task Force on Securing Energy Facilities (IATFSEF).
Tungkulin ng nasabing mga Task Forces na siguruhing hindi mawawalan ng kuryente ang bansa sa sandaling tumungo na ang mga Pilipino sa mga presinto nila para bumoto.
Pero ayon kay Recto, maging ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay umamin na maaaring tumagal at humaba pa ang mga blackout sa Mindanao ngayong taon dahil sa tagal ng pagkumpuni sa mga nabombang tore ng kuryente sa North Cotabato at Lanao del Sur.
“Ngayon pa lamang, dapat ay nakalatag na ang mga contingency plan. Mayroon nang sapat na suplay ng mga generator para sa mga presinto sa panahon ng halalan,” ani Recto.
“Kung maraming generators sa lokal, baka pwede ma-identify na ito ng mga LGUs, local Comelec officials at civic groups. Ilang linggo na lang, eleksyon na. Bayanihan ang kailangan dito,” diin pa ng senador.