Hirit ni Recto: P1,000 dagdag-bayad para sa guro
Dahil 15-oras na ang trabaho sa eleksyon
Dahil nadagdagan ang oras ng kanilang serbisyo, dapat lamang na tumanggap ng dagdag na P1,000 ang mga guro na magsisilbi bilang Board of Election Inspectors (BEI) sa halalan nitong Mayo.
Ito ang hiniling ngayon ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto sa Commission on Elections (Comelec) matapos inanunsyo ng komisyon na hahabaan ang oras ng halalan mula 6 a.m. hanggang 5 p.m. sa Mayo 9.
“Naglaan nga ng P4,500 honorarium para sa mga guro na magtatrabaho bilang BEIs pero hindi ito nakabatay sa 15-oras na serbisyo. Dapat lamang na bigyan ang mga guro ng P1,000 dagdag-honorarium para sa dagdag na oras ng serbisyo,” ani Recto.
“Halos dalawang shift sa pabrika ang katumbas ng dagdag na oras na ito. Doon sa rules na nabasa ko, 5 o’ clock in the morning nasa stations na sila to prepare the voting machines. Which means 4 am nasa travel na. The voting will end 5pm.Then sangkaterba pang post-voting procedures. Yung iba d’yan hatinggabi na makakauwi,” dagdag pa ng senador.
Ayon sa kalkulasyon ni Recto, hindi aabot sa P250 milyon ang dagdag na gastos ng Comelec kung pagbibigyan nito ang hiling na P1,000 dagdag-honorarium para sa mga guro.
“Napakaliit na halaga lamang ito kumpara sa gastos ng Comelec para sa mga supplier ng voting machines,” diin pa ng senador.
Ayon sa Department of Education (DepEd), may 233,487 pampublikong guro ang magseserbisyo para tauhan ang 92,509 clustered precincts sa buong bansa.
Ayon naman kay Recto, maaaring kunin muna ang P250-milyong dagdag-honorarium sa mga guro mula sa P6.5-bilyong pondo na inilaan ng Comelec para sa voters’ registration at eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan na naka-iskedyul sa huling bahagi ng taon.
“Kumbaga, ia-advance lang muna ng Comelec sa isang pondo na nakapaloob na sa badyet nila. Dahil fiscally-independent body ang Comelec, may kapangyarihan ito na ire-align ang sariling pondo,”paliwanag ni Recto.
Makakatulong din, ani Recto, ang Department of Budget and Management (DBM) para humanap kung saan kukunan ang dagdag na pondo labas sa P16-bilyong badyet ng Comelec ngayong taon.
“Nariyan ang President’s Contingent Fund at marami pa. Kung P300 million lang yan, pwede yan mahanapan ng pondo.”
Ayon kay Recto, isa pang opsyon ang pagpapatupad ng bagong pay rates sa pagseserbisyo tuwing eleksyon na nakapaloob sa Republic Act 10756. Nilagdaan ng Pangulong Aquino ang nasabing batas nito lamang Abril 8.
Batay sa nasabing batas, makakatanggap ng P6,000 ang Chairperson ng Election Board; P5,000 ang miyembro ng Election Board; P4,000 para sa DepEd Support Official; at P2,000 para sa Support Staff.
“Dito, mas matipid yata kasi magdadagdag ka lang ng P500 bawat BEI member. Pero mungkahi ko na dagdagan na lang ang honorarium, gawin na nilang at least P1,000 dahil hindi bababa sa 15 oras ang deretsong trabaho ng mga guro,” ani Recto.