Huwag i-pasa load sa LGUs ang pagbili ng palay
Kakaunti lang ang local governments na may surplus na pera na pwedeng ipambili ng palay.
Wala nang laman ang kanilang salop ng pera. Matagal nang inubos ng Covid. Hindi pwedeng i-pasa load ang problemang ito sa mga local government frontliners.
Malaking gastos ang pagpapatakbo ng isolation centers. Dagdag pa dito ang gastusing iniluwal ng pandemya tulad ng distance learning at ayuda sa mga nawalan ng trabaho.
Pero tama ang suhestyon na doon sa mga lokal na pamahalaan na tuloy ang pamimigay ng bigas at may pondo na gawing direkta ang pagbili nito sa mga magsasaka sa lugar nila.
Subalit hindi ito ang pangunahing solusyon. Maaring isa sa maraming lunas kung paano sagipin ang bumubulusok na presyo ng palay.
Malaki ang tiwala ko sa DA at DTI na bumalangkas ng isang plano kung paano maagapan ang pagkalugi ng milyung-milyong magsasaka sa panahong kailangan nila ng kita.
At kung anuman ang kanilang rekomendasyon ay sana agarang maipatupad ng Pangulo.(###)