117th Philippine Independence Day Celebration
Plaza La Independencia, Lipa City
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Ang Lipa at ang buong Batangas ay duyan ng magiting.
Sino mang may duda ay kailangan lamang titigan ang ating bandila, at tingnan ang kanyang araw, sapagkat ang isa sa walong silahis ay kumakatawan sa isa sa mga unang lalawigang nag-aklas laban sa mga mananakop – ang Batangas.
The heroism of our province is imprinted on the flag that we honor, we revere, and if need be, we die for.
Ang simbolo ng ating katapangan ay nasa bandilang ating ginagalang. Kaya kapag sinasaluduhan natin ang ating watawat, sinasaluduhan na rin natin ang Batangas.
Our forefathers joined the revolution not because it was becoming a fad or a fashion but because it was necessary.
And they joined early, when those who dreamed of freedom were few, and not on the eve of the uprising, when there was already comfort in numbers.
Apat na taon bago ang himagsikan, pumunta na si Procopio Bonifacio sa may Bulihan upang itatag ang sangay ng Katipunan.
Ang mga sumanib ay ating mga kadugo at ninuno, tulad nila Gregorio at Mariano Lat, Gregorio at Felix Leviste, Martin Sancha, Gregorio Katigbak, Cipriano Kalaw, Gregorio Tapia, Benito Reyes, Pedro Laygo, Roman Dimayuga, Tomas Umali, Felix Reyes, Luis Kison, Valentin Burgos, Pedro Libuit, Fernando Viaje, Pedro Mayo at marami pa.
Their family names ring a bell. Ilan sa kanilang kaanak ay narito ngayon. Patunay lamang na ang dugo ng mga bayani ay nananalantay pa rin sa ating mga ugat.
Hindi lang tapang ang iniambag ng mga Batangueno sa himagsikan. Talino rin.
Not suprising, because after all, revolution is a mixture of brains and balls, it cannot be won if one is absent, and it is in the DNA of Batanguenos to have them both – in big sizes.
Meron nga palang ikatlong B – at yan ay ang beauty. Kung titingnan nyo ang kanilang mga litrato, hindi lang sila matapang at matalino, kundi makikisig pa.
Ang utak ng rebolusyon ay si Mabini.
Ang unang sugo natin sa mundo ay si Felipe Agoncillo.
Ang unang bandila ay tinahi ni Marcela Agoncillo.
Meron din namang tanyag sa pagiging huli. Tulad ni Heneral Miguel Malvar na s’yang isa sa mga kahuli-hulihang mandirigma na nasukol ng mga Amerikano.
Kung inyong mapapansin ilang mga bayan sa Batangas ay ipinangalan sa ating mga bayani. Mabini. Agoncillo, Malvar.
We named some of our towns after our heroes, not because we don’t want their names forgotten, but because we want their deeds to be always remembered.
At hindi lang inaalala ang kanilang nagawa, pero ginagaya. Hindi lang isinasaulo ang kanilang mga prinsipyo, pero isinasabuhay.
Meron din isang bayan na naipangalan sa isang pari – ang Padre Garcia.
Ipinagtanggol ni Padre Vicente Garcia si Jose Rizal sa mga mapapait na paratang ng kanyang kapwa pari na ang may-akda ng Noli at Fili ay walang pananampalataya sa Diyos.
At ang kanyang depensa sa ating pambansang bayani ay hindi niya binulong, bagkus kanyang isinulat sa subersibong pahayagang La Solidaridad.
Hindi dapat ipagtaka na matalas sa panulat si Padre Garcia sapagkat ang Lipa noon ay syang punong-himpilan ng mga manunulat.
Ang unang pahayagan sa Batangas ay nilimbag dito noong 1889.
Medyo nakakatawa nga ang pangalan ng dyaryo – “Lumubog, Lumutang” – pero seryoso at mapangahas naman ang laman.
Mga kababayan:
Marahil sa panahon ng Facebook, Instagram at Twitter, medyo nababaon sa limot ang naging papel ng Batangas at Batangueno sa mga mahalagang yugto ng ating kasaysayan.
Kung tatanungin natin ang mga kabataan ngayon kung sino si Kapitan Jesus Villamor at Tenyente Jose Basa, marahil dead-ma ang tugon nila.
Pero alam nyo ba kung titingalain mo ang langit ngayon, d’yan mismo sa himpapawid na yan, ay sinagupa nila Villamor, Basa at apat na kasamahan nilang piloto ang sangkaterbang eroplano ng mga Hapon, kung saan pinabagsak nila ang anim sa isang salpukan?
Sa pagtatanggol man ng bansa o sa pagtataguyod ng demokrasya, pumapel ang mga Batangueno.
Ito ang totoo: Halos bawat pamahalaan ng nakaraang isangdaang taon ay pinayaman ng talino ng mga Batangueno.
Mula sa Kataas-taasang Hukuman hanggang sa Mababang Kapulungan; mapa -tanggapan man ng Pangulo o Senado; militar, sari-saring kagawaran at sangay ng estado, tapat na pinagsilbihan ng ating mga kalalawigan.
In every era of our history, Batanguenos left their mark. Every important document of the Republic, like the 1935 Constitution, bears the contributions of a Made-in-Batangas patriot.
The campaign for independence in the Commonwealth period was enriched by the genius of one Claro M. Recto.
Twenty years later, he employed his intellect in popularizing nationalism.
The struggle for freedom in the 1980s was marshaled in part by Doy Laurel.
At ano po ang katangian ng mga Batanguenong makabayan mula kina Mabini hanggang Laurel?
Hindi po nila binibilang kung ilan at kung sino ang kanilang mga kasama bago sila nakibaka.
Ang mahalaga sa kanila ay kung tama ang kanilang pinaglalaban at hindi ilan ang kanilang kasamahan.
Theirs were struggles based on the strength of their ideas and never on the strength of their numbers.
This led them to embrace what is right, even if the cause is unpopular. They never sought refuge in numbers. They drew strength from their conviction.
Kaya marami sa kanila, solo flight ang laban, Lone Ranger ang diskarte.
They don’t call a roll call of allies or a head count of believers before they wage battle. As Batanguenos, they believe that one man on the right already constitutes a majority.
At sa ika-isang daan at labimpitong araw ng ating kalayaan, marahil ang tanong natin sa ating mga sarili ay kung paano bang maging bayani sa panahong ito.
May pinakamataas na uri ng kabayanihan, ang pag-alay ng buhay para sa bayan, tulad ng ipinamalas ng apatnapu’t apat na magigiting na pulis sa Mamasapano.
Pero hindi lahat ng kabayanihan ay nangangailan ng pagdanak ng dugo. Ang kabayanihan ay hindi naipapamalas lamang sa giyera.
May mga kabayanihan na hindi nangangailangan ng armas.
Bagama’t may panahon na kakailanganin iyon, hindi mo kailangang pumatay o mapatay para maturing na bayani.
Sa panahon ng kapayapaan, pa’no nga ba maging bayani, na walang barikadang lulusubin, kaaway na lilipulin, digmaan na dapat mapagwagian.
Sa panahong ito, kabayanihan ang pag-aruga ng ating kalikasan, ang pagtanim ng puno, paglinis ng ating karagatan, paglikom ng basura.
Kabayanihan ding maituturing ang pagpapayabong ng ating mga paaralan, ang pagpapahusay sa ating edukasyon. Magpaaral ka ng mahirap, magpakain ka ng gutom na estudyante, sa libro ko, bayani ka rin.
Kabayanihan ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan. Kung may krimeng nagaganap, at isinuplong mo at tinulungan mo ang biktima, kabayanihan na rin yan.
Kabayanihan din ang pagsuplong sa anumang katiwalian sa pamahalaan. Kung sumilbato ka kasi may pandarambong sa kaban ng bayan kang nalalaman, ika’y dapat bigyan ng medalya ng kagitingan.
Kabayanihan ang pag-alay ng libreng oras, ng talino, sa mga gawaing magpapaunlad ng kabayanan, sa NGO man o grupong simbahan.
Kabayanihan ang pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad, ang pagkupkop sa mga biktima ng sakuna, ang pagtulong sa mga sawingpalad.
Ang kagandahan sa ganitong uri ng kabayanihan ay araw-araw pwede mo ipamalas ito.
Hindi mo kailangan maghintay ng digmaan o himagsikan upang gumawa ng mabuti sa kapwa tao.
Kung naghihintay ka ng rebolusyon o giyera para ika’y maging bayani, puti na ang iyong buhok, baka di pa dumating yon. Pero merong mga suliranin na dapat solusyunan, mga sugat ng lipunan na dapat gamutin, na nangangailangan ng inyong tulong.
Ang kailangan po natin ngayon ay pang-araw-araw na kabayanihan, nang mga ordinaryong tao na sabaysabay gagawa ng kabutihan para sa bayan.
Uulitin ko po: sabay sabay na gagawa ng kabutihan para sa bayan.
Sa madaling salita: Bayan. Bayani. Bayanihan.
Yan po ang hamon ng panahon sa ating mga Batangueno.
Para naman masabi natin kina Mabini, Malvar, Agoncillo, Kalaw, Katigbak, Laurel na hindi nasayang ang kanilang pagpupunyagi.
Maraming salamat po.