Apela ni Recto: Balikbayan Box Law, dapat nang pirmahan
Umapela ngayon si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Palasyo at Kongreso na agarang umaksyon para mapirmahan na ang batas na magtataas sa P150,000 ang halaga ng pasalubong na puwedeng ipadala ng mga Overseas Filipinos sa kanilang pamilya.
Sa oras na mapirmahan ang nasabing batas, ani Recto, libre na sa buwis ang sinumang Overseas Filipino na magpapadala ng Balikbayan Box kung hindi lalampas sa P150,000 ang halaga ng pasalubong na nakapaloob dito.
Ang Balikbayan Box Law na isinulat ni Recto ay nakapaloob sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na ipinasa ng Senado at Kamara de Representante nito lamang Enero.
Hinihintay na lamang ng Palasyo na mapirmahan ng mga opisyales ng Kongreso ang ipinasang panukala bago ito mapirmahan ng Pangulong Aquino.
“Ngayon na ang tamang panahon para mapirmahan ang batas na ito. Ito lamang ang hinihintay ng ating mga Overseas Filipinos para maipagpatuloy nila ang pagpapadala ng pasalubong sa kanilang mga mahal sa buhay,” ani Recto.
Inihain ni Recto ang Senate Bill 2913 (Balikbayan Box Law) noon pang Agosto ng 2015 matapos na ireklamo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang sapilitang pagbubukas ng mga Balikbayan Box na ipinapasok nila sa airport.
Ipinaliwanag naman ng Bureau of Customs (BOC) na ipinatutupad lamang nila ang lumang batas na nagpapataw ng buwis sa mga Balikbayan Box na may lamang pasalubong na lampas sa P10,000 ang halaga.
Ang Balikbayan Box Law ni Recto ay isinama sa CMTA bilang Section 800 ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Ways and Means committee, nang ipasa ng Kongreso.
Batay sa nasabing probisyon, libre sa buwis tatlong beses isang taon ang pagpasok ng mga Balikbayan Box na hindi lampas sa P150,000 ang halaga ng pasalubong na nakapaloob.
Naisama rin sa CMTA ang panukala ni Recto (Section 1421) na nagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang opisyal ng Customs o empleyado ng gobyerno na mambuburike ng balikbayan box o manghihingi ng pera sa OFWs na nagpapasok ng pasalubong sa airport.
Kung mapipirmahan na ang CMTA, ani Recto, papatawan ng parusang pagkabilanggo mula anim na taon hanggang 12 taon ang mga empleyado ng gobyerno na magsasamantala sa mga OFWs at balikbayan na may dalang pasalubong.
Pagmumultahin din ng P500,000 hanggang P1 milyon ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa nasabing batas.
“Kung dati, isang taon lang ang minimum jail time kapag nangotong o nagnakaw ka sa mga balikbayan boxes ng OFWs, ngayon minimum of six years na at maximum of 12 years,” ani Recto, common candidate ng LP, Partido Galing at Puso, Miriam-Bong-Bong tandem.
“Itinaas na rin natin ang multa nila mula P50,000 hanggang sa P1 milyon. Siguro naman, wala nang mangangahas na magsamantala sa mga kababayan natin na nagdadala ng pasalubong,” dagdag pa ng senador.