Dagdag na MMDA traffic enforcers at hazard pay inihirit ni Recto
Inihirit ngayon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang agad na pag-recruit ng karagdagang 400 MMDA traffic enforcers na tutulong sa pagmamando ng daloy ng trapiko sa Metro Manila mula umaga hanggang gabi.
Ayon kay Recto, matagal na panahon pa ang hihintayin natin bago maisakatuparan ang tunay na solusyon sa trapiko, tulad ng elevated highway sa EDSA, dagdag na coaches at linya ng MRT at LRT, pero may mga bagay tayong maaring gawin nang mabilisan upang maibsan ang trapiko.
At isa na rito ang agarang pag-recruit ng traffic enforcers.
“Kahit gaano ka-moderno ang traffic system natin, kailangan pa rin natin ng ‘boots on the ground,’” anang Batanguenong senador.
Ang kakulangan na 400 MMDA traffic personnel ay nagmula mismo kay MMDA chairman Francis Tolentino na naunang nakipag-pulong kay Recto noong isang linggo.
“Matagal maglatag ng mga bagong kalsada at highways subalit madaling magdagdag ng traffic enforcers na poposte sa mga kritikal na intersection sa buong Metro Manila mula umaga hanggang gabi, tag-araw man o tag-ulan,” ani Recto.
“Kung hindi man natin sila pinayagang magbitbit ng baril, siguradong walang aangal kung pahihintulutan natin silang magbitbit ng kapote, bota at flashlight para hindi naman pulmonya ang abutin nila habang kinakalas ang buhol-buhol na traffic sa lansangan,” dagdag pa ni Recto.
Sinabi ni Recto na hindi biro ang maghapong tumayo sa kalsada at lumanghap ng usok ng mga sasakyan. Dahil dito, iminungkahi rin ng senador ang pagbibigay ng hazard pay sa mga MMDA traffic enforcers.
“Talaga namang mapanganib sa kalusugan ang lumanghap ng itim na usok mula sa tambutso ng jeep, bus, kotse at motorsiklo. Napapanahon na sigurong bigyan din natin ng hazard pay ang traffic enforcers, na bukod sa palaging nasa panganib ang buhay na masagasaan o mapagdiskitahan ng maiinit na ulong motorista, ay nanganganib ding magkaroon ng sakit sa pulmon at baga,” ayon kay Recto.
“Ang usap-usapan nga ng mga traffic enforcers, isa sa mga retirement benefits na posibleng makuha nila sa kanilang pagreretiro ay ang posibilidad ng pagkakaroon ng lung cancer,” giit ng senador.
Nauna rito, naghain si Recto ng dalawang resolusyon sa Senado na humihingi ng imbestigasyon sa kahandaan ng pamahalaan sa paglutas ng malalang trapiko at pagbaha sa Metro Manila.
Tinatayang P150 bilyon kada taon ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas sanhi ng buhol-buhol na traffic.