‘I am blind, but I can clearly see his vision’
by Ronnel Agor del Rio
Delivered at the Partido Galing at Puso (GP) Proclamation Rally
Plaza Miranda, Quiapo, Manila
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Ako po ay bulag. Hindi po ako nakakakita. Pero hindi po ako bulag sa katotohanan.
At hindi rin po ako bulag sa kagandahan.
Kaya sa tingin ko po, ako na ang pinakaguwapong lalaki sa entablado ngayon.
At Pangulong Grace, kasing ganda n’yo po pala ang inyong puso.
Mahirap pong mabuhay na ni aninag ng tao di mo masilayan.
Na hindi mo makita ang araw at buwan, o kung ano ang kulay ng rosas.
Mabuti na lang merong mga taong tumulong sa akin.
Isa na po dyan si Senador Ralph Recto, na halos 25 taon ko nang matalik at malapit na kaibigan.
Tinulungan nya ako na magka Master’s degree sa La Salle Lipa.
Tinulungan nya ako para matupad ang aking pangarap na maging announcer sa radyo.
Tinulungan nya akong makapasok sa pamahalaan, at humawak ng isang malaking katungkulan.
Kung hindi dahil sa tulong nya, marahil tulad din ako ng mga may kapansanan na namamalimos dito sa Quiapo.
Pero tuwing ako ay magpapasalamat sa kanya, sinasabi nya sa akin na ang ano mang tagumpay ko sa buhay ay dahil sa akin lamang, hindi dahil sa kanya, at maliit lang daw ang kanyang naiambag.
Ganyan po talaga siya. Matulungin pero mapagkumbaba. Tahimik lang na nagtratrabaho. Hindi mahilig sa diskurso.
Kaya yung kanyang bill na magdadagdag ng tulong at benepisyo sa may kapansanan, sa mga PWDs, sya ang nagtulak noon sa Senado, pero hindi nya ipinagmamayabang.
Marami na syang nagawa at natulungan simula ng naging pinakabatang congressman siya sa edad na 28, senador sa gulang na 37, at naglingkod pa sa Kabinete.
Sa kasalukuyan, hawak niya ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa Senado bilang Senate President Pro Tempore.
Hindi naman nasayang ang pagtitiwala nating lahat kay Senator Recto. Ginamit niya ang kanyang posisyon para masigurong maisusulat niya at maipapasa sa Kongreso ang mga batas na magtataas ng kalidad ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino.
Kabilang sa mga batas na sinulat ni Senator Recto ang:
- Ang PhilHealth coverage sa lahat ng senior citizens;
- Ang pagtatanggal ng buwis sa tinatanggap nating 13th month, Christmas bonus at iba pang benepisyo;
- Ang libreng Kindergarten sa lahat ng public school;
Kaya ako po ay natutuwa na kasama si Senador Ralph sa Partido Galing at Puso, sapagkat meron syang galing, at merong syang puso.
Maliit pa po ako parati akong sinasama ng aking ina na magsimba dito sa Quiapo. At sa buhay ko, hindi ko inakalang makakatindig ako, isang bulag na mahirap na taga-probinsya, ngayon sa entablado kasama ang susunod na Pangulo.
Pero dahil kay kaibigang Ralph, nangyari iyon. At marami kaming tulad ko na kanyang natulungan.
Bulag man ako, hindi man ako makaaninag ng bagay, nakikita ko, klarong klarong, buong buo, ang isang maliwanag na bukas sa isa ilalim ng gobyernong may malasakit, pag-aaruga, pagmamahal – at higit sa lahat, may puso.
Ronnel has been a close friend of Senator Ralph Recto for 25 years. After finishing his Masters in Management Technology at De La Salle Lipa, he is now the lone Filipino promoter for persons with disabilities (PWDs) designated by UNESCAP. He is also part of the Philippine Coalition on the United Nations Convention on the rights of PWDs.
In addition to being a print and broadcast journalist, he is also in charge of housing for the Province of Batangas and the Governor’s Advocate on Disability Affairs.