Recto: Discount para sa PWD, inutil pag walang IRR
Nanawagan ngayon si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto sa pamahalaan na madaliin ang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) na kinakailangan para maipatupad ang bagong batas na nagbibigay ng diskwento sa mga binibiling gamot at ibang pangangailangan ng mga Persons With Disabilities (PWD).
“Sampal sa ating mga PWD kung mauuna pang mai-proklama ang bagong Presidente kaysa sa mapirmahan ang IRR na magbibigay sa kanila ng mga diskuwento sa mga pangunahing bilihin,” ani Recto.
Si Recto ang nagsulat at nagtulak sa Senado para maisabatas ang Republic Act 10754 na nagbibigay ng hanggang 32 porsyentong diskuwento sa gastusin ng PWD sa gamot, serbisyong medikal, laboratory fees, pamasahe sa pampublikong sasakyan at iba pang pangangailangan.
Nagbibigay din ang RA 10654 ng P25,000-kabawasan sa income tax na binabayaran ng mga kamag-anak na nangangalaga at gumagastos para sa mga PWD.
Pinirmahan ni Pangulong Aquino ang nasabing batas noong Marso 23 pero hanggang sa ngayon ay hindi pa napipirmahan ang IRR na dapat balangkasin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Finance (DOF) at National Council on Disability Affairs (NCDA).
Sinabi ni Recto na maraming nagreklamo sa kanyang opisina tungkol sa pagtanggi ng mga botika at ibang negosyo na ipatupad ang RA 10754 hangga’t wala ang IRR ng nasabing batas.
“Inutil ang batas hangga’t hindi napipirmahan ang IRR nito. Baka naman meron nang bagong pangulo pero wala pang IRR ang RA 10754,” anang senador.
Malban sa IRR, ang isa pang binabanggit kung bakit hindi maipatupad ang RA10754 ay ang kawalan ng Memorandum Circular mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Katulad ito ng Memorandum Circular na nagbibigay ng diskuwento sa mga senior citizens.
“Hindi dapat na tumagal ang pagbalangkas sa IRR at Memorandum Circular. Nagbuhos ng oras ang Kongreso para madaliin ang pagpasa ng batas. Layon nating lahat na matanggap ng mga PWD ang diskuwento sa mga bilihin sa lalong madaling panahon,” diin pa ni Recto.
Ayon kay Recto, siniguro sa kanya ni Secretary Dinky Soliman na minamadali ng departamento ang pagbalangkas ng IRR bilang tugon sa mga panawagan ng mga organisasyon na kumakatawan sa mga PWD.
Siniguro rin umano ni Soliman na masasali sa mga benepisyaryo ng batas ang mga “persons with psychological disabilities” at mga kamag-anak na nag-aalaga sa may ganitong kapansanan.
Batay sa 2015 national census, tinatayang 133,407 sa 1.88 milyon na PWD ay “persons with psychological disabilities” o may kapansanan sa pag-iisip.
RELATED ARTICLES:
-
27 OCT 2016: DSWD, DOF reminded: Magpa-Pasko na, wala pa ring implementing rules ang PWD law?
-
20 AUG 2016: Before pitching new taxes, Palace must first issue rules on new PWD, balikbayan box laws
-
22 JUL 2016: Lack of IRR bogs down PWD law’s implementation
-
05 MAY 2016: Recto twits gov’t: Proc of new prexy might come ahead of rules for new PWD law
-
06 APR 2016: Recto: Mabilis na paglabas ng IRR ng bagong PWD law, ipinangako ni Dinky
-
06 APR 2016: Recto: Dinky vows fast release of PWD law’s IRR
-
30 MAR 2016: Recto: P25,000 tax break for PWD caregivers
SENATE BILLS/AUTHORED LAWS:
-
21 JUL 2016: Senate Bill No. 796: Mandatory Philhealth Coverage for All PWDs Act of 2016
-
23 MAR 2016: Republic Act No. 10754: Additional Benefits for Persons With Disabilities (PWD)